Ang Ala-ala Ni Tatay
Napapanahon na naman na bigyan kahalagahan ang araw ng mga tatay. Lalong lalo na sa mga tatay na malayo sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. May natanggap akong isang email na kuwento ng isang anak tungkol sa tatay nya. Napakaganda ng story na angkop sa mga OFW family. Hindi nakasaad kung sino ang author. Maraming salamat sa kanya sa kanyang napakagandang talam buhay.
IKAW?
1980 ako ipinanganak. Tatlong taon bago pinatay si Ninoy Aquino at anim na
taon bago ang EDSA uprising. Taon ding ito nang nagkaroon ng malaking
krisis sa langis ang buong mundo. P24.00 ang palitan ng dolyar sa piso at
48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas. Ito rin ang taong unang pumunta
ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.
Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker. Malaki ang
pangangailangan ng bansang pupuntahan ni Tatay sa mga katulad niya. Sabi ng
Nanay mahirap daw ang buhay noong mga panahong iyon. Inabot na raw ang
bansa ng economic depression na galing sa Europa at Amerika. Kaya minabuti
ng Tatay na mag-abroad. Anupa't dalawa ang pinag-aaral niya at may bago na
naman siyang bibig na pakakainin.
Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na "nagtiis kaming magkahiwalay ng
tatay ninyo para magkaroon tayo ng maginhawang buhay." Palibhasa'y parehas
galing sa hirap, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw nila. Uuwi kada
dalawang taon, tapos aalis na ulit pagkalipas ng dalawang buwan. Ganyan ang
pattern ng buhay ng tatay ko.
Pumutok ang giyera sa Middle East noong 1989. Doon ko unang narinig ang mga
salitang Operation:Desert Storm at Third Anti-Christ. Nandoon din si Tatay.
Isang beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong taon niyang
pagkaka-stranded sa bansang iyon. Mabuti naman daw ang lagay niya. May
tirahan naman daw sila at husto sa lahat ng pangangailangan. Hindi naman
daw sila gagalawin sa giyera sabi ng embahada ng Pilipinas dahil hindi
naman daw sila kasali sa awayan ng dalawang bansa at ng pakialamerong
Amerika. Iyon naman pala eh, bakit ka pa rin nandyan?! Na-imagine ko na
lang tuloy ang Tatay na parang isa sa mga sibilyan na dumadaan habang
nakikipagbarilan ako sa larong Operation:Wolf sa SM City. Nang mahawi ang
mga usok ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala pang isang taon ay nakita ko na
naman ang aking sarili na nakasakay sa arkiladong dyip para ihatid ang
Tatay sa Airport papuntang Middle East. Ikaw ba naman ang magkaroon ng
pinag-aaral na nurse, isang seminarista at tatlo pa sa elementarya.
Kailangang kumayod, kailangang kumita.
Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay naming magkakapatid, lalo
na sa akin. Wala siya nang una akong magtalumpati sa entablado. Wala din
siya nang grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala siya nang una
akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang inasar ako nito habang binibigay
ko ang libreng plastic na singsing na galing sa cheese curls sa kaklase
kong babae. Wala din siya para turuan akong magbasketbol tulad ng ginagawa
ng mga kapitbahay ko sa kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Kuya
na contestant sa Student Canteen at ako naman para sabitan niya ng medalya
para sa mga math competition na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako
sa punto ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng katulad
kong nagbibinata--ang magpatuli. Wala rin siya para turuan akong maglanggas
. Wala siya nang kauna-unahang lumabas ang pangalan ko sa dyaryong
pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko siya ng mga kopya para
maipagmalaki sa kanyang pagdating. Wala siya nang una akong tumikim ng alak
dahil binasted ako ng dinidigahan kong babae. Wala rin siya nang sumubok
akong manigarilyo at itapon ito pagkatapos ng dalawang hithit pa lang. Wala
siya, wala siya parati.
Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming magkakapatid ang oras namin
sa labas ng bahay at sa eskwelahan. Ang Ate ay kagawad ng Sangguniang
Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng seminaryo, ang dalawa
kong kapatid ay may mga sarili nang kina-career at ako naman ay natutuon sa
aking pagsusulat.
Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang pagdating ng Tatay
at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil hindi na siya babalik ulit sa
abroad.
Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang Tatay. Sabi ng doktor ay
overfatigue lang daw at kailangan niyang magpahinga. Pagkaraan nang ilang
buwan, na-diagnose na may tumubong tumor sa utak ng Tatay at malignant na
ito. Minsan naitanong sa akin ng uncle kong doktor kung nauntog ba ang
Tatay o nabagsakan ng mabigat na bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot sa
ulo at isang "hindi ko po alam" lang ang naisagot ko.
Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa utak ay ganun din
kabilis na binawi sa amin ng Diyos ang Tatay.
Habang pinagmamasdan ko ang Tatay habang mapayapa itong nakahimlay noong
burol niya, nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala
ang taong ito. Siya ang tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa
kanya. Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang timpla ng kape,
kung allergic ba siya sa hipon na paborito ko, kung San Miguel o Purefoods
ba ang team niya sa PBA--isang malaking EWAN lang ang maisasagot ko sa iyo.
Noong bata pa ako, nasa abroad ang Tatay. Kapag nandito naman siya para
magbakasyon, mas malaking oras ang nagugol niya sa pag-aasikaso ng mga
papeles niya para sa susunod niyang pag-alis. Nang tumigil na siya sa
pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical examinations
at mga research works. Nang nasa ospital na siya, kahit makipagkuwentuhan
ay mahirap nang gawin dahil halos hindi na siya maintindihang magsalita
dulot ng chemotherapy.
Matagal nang patay ang Tatay. Minsan nabalitaan kong dumating na ang seaman
na tatay ng boss ko, pilit ko siyang pinauuwi nang maaga. Minsan ding buong
kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko na nagmamadali dahil
baka masaraduhan na siya ng grocery. Kailangan niyang makabili ng
ingredients ng spaghetti dahil 'yun daw ang bilin ng tatay niyang
na-stroke. Minsan rin nang makainuman ko ang matalik kong kaibigan habang
binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa pagbabalik ng tatay niya na
malupit sa kanila nang mahabang panahon at ipinagpalit sila sa ibang babae.
Sa tingin ko lang, "Buti ka pa nga may Tatay pa." Syempre hindi ko sinabi
iyon sa kanya. Baka mamaya tanungin pa niya ako kung kanino ako kampi, kami
pa ang mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata ko nang dinalhan niya
ng pansit ang tatay niya sa City Jail. Hindi naman sila nagtatanong kung
bakit ako ganun. Wala naman silang alam kay Tatay.
Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil masyadong maaga ang
paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto kong sisihin ang Pilipinas dahil
napakahirap ng buhay dito. Sa Amerika ba may tatay na nangingibang-bansa
para makapagtrabaho lang? Naisip ko tuloy na sumama na lang sa mga
nagpipiket na mga migrante dahil alam ko tulad ko rin sila. Kadalasan rin
sinisisi ko si Saddam Hussein at ang Gulf War dahil kinuha nila ang tatlong
taon sa buhay ng Tatay. Sayang ang tatlong taong iyon. Nakalaro ko man lang
sana ang Tatay ng basketbol o di kaya'y naturuan niya akong mag-bike.
(Beinte anyos na ko nang matuto mag-bike).
Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin ng kahit ano tungkol
sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung maaari. Bigla tuloy akong
nalito. Hindi ko alam kung anong tungkol sa Tatay ang isusulat ko.
Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si Tatay. Isang bagong
bayani. Nag-aambag ng malaki sa ekonomiya ng Pilipinas. Sabihin ko kayang
may larawan ng tatay kong may suot na hard hat na dilaw, construction boots
at may hawak na drill at kasama niyang nakangiti ang mga kapwa niyang
Pilipino with matching background na disyerto. O kaya ang larawan nilang
magkakababayan habang pinagdiriwang nila ang New Year at nag-iiyakan dahil
tinutugtog and Lupang Hinirang. Ang drama no?
Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang Tatay. Na natutulog siya
at ipinaghehele ng mga Patriot at Scud Missiles. Pakita ko kaya ang mga
remembrance ng Tatay na mga dull na landmines. Adventure naman ang dating
nito.
Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay sa pagbibigay ng
pangangailangan namin. Hindi kami sumasala sa pagkain, may magagandang
damit, maayos na tirahan at nakakapag-aral. Siya ay naging isang good
provider. Siguro isang malalim na buntong hiningang "Haaaaaay!" ang
ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.
O di kaya'y dalhin ko ang picture ni Tatay habang kini-chemotherapy siya.
Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga pangyayari. Na
inoperahan siya sa loob ng walong oras at binutasan ang ulo niya. Na
nakalabas pa siya ng ospital. Pagkatapos ng isang linggo, agad siyang
namatay. Tragic naman ang approach ko nito.
Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na galit sa mundo
ang anak dahil hindi ito nabigyan ng sapat na atensyon dahil inuna ng
kanilang tatay ang pinansyal nilang pangangailangan. Teka, hindi naman
totoo yon eh! Napaka-unfair naman 'nun kay Tatay.
Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala namin kay Tatay.
Apat na taon ako noon. Malinaw na malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari.
Kadarating lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon ng
simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga kumpare niya nang tumayo
siya at binuhat ako mula sa kuna ko habang pinaglalaruan ko ang bagong
matchbox na pasalubong niya sa akin. Inutusan niya ako na ikuha siya ng
beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay kinandong niya ako at buong
pagmamalaki na ibinida sa mga kumpare niya na natanggap na raw ako sa lokal
na Day Care Center dahil abot na ng kanang kamay ko ang aking kaliwang
tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng ulo ko at matatas na ako magsalita at
madali raw akong matuto. Matagal din akong nanatili sa pagkakandong niya.
Mistula siyang bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona. Ako
ang kanyang korona.
Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko sa mga taong
kailangan niyang magtrabaho at mawala sa piling namin. Mga panahong kasama
ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na lang ang isusulat ko. Bago ang
lahat, pupunasahan ko muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon. Baka
mapatakan pa ang keyboard ng computer at ang hawak kong picture. Picture ng
isang paslit na may hawak na bote ng beer habang kandong ng tatay na
kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.
Isang Pagpupugay sa lahat ng mga ama na OFW sa buong mundo!
14 comments:
Pre, ganda ng istorya, muntik pa ako mapaiyak dito sa opis :) ...
Pwede ko ba gawing post din to sa blog ko?
Lord CM - very touching ang story and nakaka relay tayo sa mga situation.
You can post this bro. wala pa naman nag claim na author. who ever he is congrats sa kanya.
Thanks pre...gawan ko ngayon to ng entry..
thanks for sharing this story...nakakatouch...
Pare, touch mo nga ko..hahaha
nakakaluha naman to tol...
Happy father's Day sa mga ama natin...
This is a very sad story, nakikiisa ako sa Father's Day sa pagpupugay sa mga tatay na OFW sa iba't ibang sulok ng mundo.
Glad You to have a father like him...hindi man ako pinalad sa mga katulad nila pero thanks for sharing this story...
Lord CM - Your welcome bro. alam ko marami tayog mapapaluha nyan.
DETH - We'll thank also sa nag lahad ng story nya but sayang it's unknown
Moks- alalay lang tissue muna. hope you like the story
The Pope - well it is the reality of OFW life. We have to overcome all trials for our family.
SEAQUEST - Hirap talaga ang OFW father or mother, magkakasama lang kayo pag matanda na sila or may sakit. di kaya ikaw naman ang aalis.
Kung maisusulat ko rin ng kagaya nito ang pagmamahal ko sa aking ama, I'm sure lubos syang matutuwa.
Happy father's day din sa yo at sa lahat ng mga tatay sa paligid mo.
ang ganda ng pagkakapasok.
isladenebz - I believe if it from the heart your father wi ll love it.
Everlito (ever) Villacruz - hanggang matapos talagang matanda ang story nya .
naiyak naman ako sa wento mo...
na miss ko tuloy tatay ko...
Hi Jess,
May I invite you to please join Filipinos Unite!!!. You may do so by commenting on my blog containing your name, address, name of blog and its url or by sending an email to melalarilla@gmail.com containing the same set of information. Thank you very much. God bless.
poging (ilo)CANO - thanks bro. facing the reality of OFW , for the benefits of family we have to overcome trials.
Mel Alarilla - thanks mel for the invitation.
Post a Comment