
Kulungan na Walang Rehas Sa Gitnang Silangan
Life Story: By Bobot P. Erpelo – Jan 6, 2010 – SA)
Nitong Abril 2009 ay dinayo ko ang (SA) dito sa Gitnang Silangan. Dito nadestino ang aking asawa matapos ang ilang taon na pagtatrabaho sa Bahrain. Kasama ko ang aking bunsong anak na si EJ noong mga panahong iyon. Inabot din kami ng isang buwang bakasyon para samahan ang aking asawa.
Habang naririto ako, unti-unti kong naramdaman ang buhay na masasabi kong ‘mahirap.’
Taong 1991, dinala kami ng aking asawa sa Bahrain kasama ang aming tatlong anak. Anim na taong gulang palang ang aming panganay, apat na taon ang pangalawa, at isang-taong gulang ang pangatlo. Doon na sila nag-aral mula ‘grade school’ hanggang hayskul. Doon ko na rin isinilang ang aming pang-apat na anak na si EJ.
Masasabi ko na ang buhay sa Bahrain ay napakagaan. Masaya lalo na kapag kasama mo ang pamilya at mga kapatiran. Sampung taon din kaming namalagi doon. Nang mag-kolehiyo na ang aming panganay at pangalawa ay napagdesisyunan naming mag-iina na sa Pilipinas nalang mamalagi. Noong mga panahong iyon ay nailipat ang aking asawa mula Bahrain patungong SA.
Naikumpara ko ang buhay sa Bahrain at estilo ng pamumuhay sa SA.
Sa Bahrain, ano mang oras ay pwede akong lumabas o mamasyal kasama ang aking mga anak. Dito sa SA ay hindi basta-basta pwedeng lumabas lalo na kung nag-iisa ka lang. Kailangan na palagi mong kasama ang iyong asawa at laging bitbit ang mga papeles bilang katibayan na ‘legal’ ang pag-aasawa niyo para sa ano mang biglaang pag-iinspeksyon.
Sa Bahrain ay pwede kang magsuot ng kahit anong ‘casual’ na damit. Dito sa SA ay kailangang naka- abaya ang mga babae tuwing lalabas.
Kung ikaw ay isang ‘dependent’, buong araw kang nasa loob lang ng bahay. Makakalabas ka lang kung dumating na ang iyong asawa. Minsan ay ‘di ka pa rin makalabas dahil mula sa trabaho ay pagod na rin ang iyong asawa kaya mas nanaisin pa niyang magpahinga.
Sa pangalawang pagbabalik ko sa SA nitong October 8, 2009 ay mag-isa nalang akong naglakbay at naiwan na ang aming bunso sa Pilipinas. Naramdaman ko ang kalungkutan na kailanma’y hindi ko pa nararamdaman sa buong buhay ko… sa Bahrain man o maging sa Pilipinas.
May mga oras na sa aking pag-iisa (habang ako ay kumakain) ay bigla nalang akong napapaluha. Naaalala ko ang aking mga anak na naiwan ko sa Pilipinas. Sabi ko sa sarili ko, “Bakit ka umiiyak? ‘Di ba gusto mong samahan ang iyong asawa?”
Dito ko biglang naisip, “Paano pa kaya ang aking asawa noong mga panahong siya lang ang naririto sa SA… at nag-iisa?
Ipinadama sa akin ng Panginoon kung ano ang nararamdaman ng mga taong nakatira sa lugar na ito.
Nasabi ko tuloy sa sarili ko na kung ako nga na may Panginoon na tinatawag ay nakakaranas pa rin ng ganitong lungkot… paano pa kaya ang ating mga kababayang wala pang relasyon sa ating Panginoon?
Dito ko na naisip na mas mahirap ang kanilang kalagayan dahil marami sa kanila ang talagang hindi makalabas ng bahay… lalo na ang mga domestic helper. Kapag nakikita ko sila sa mall kasama ang kanilang mga amo, bakas sa kanilang mukha ang matinding pananabik tuwing nakakakita sila ng kababayan!
Lalong nagsikip ang dibdib ko nang makita ko sila… at sinabi ko sa aking sarili na mas mapalad pa rin ako dahil kasama ko ang asawa ko…
Kung gaano ako nalulungkot ay mas doble pa ang kanilang nararamdaman dahil ‘total strangers’ ang kanilang mga kasama sa bahay (mga locals dito sa lugar na ito). Masuwerte kung sila ay nakahanap ng mabait at maunawain na amo… pero paano nalang kung ang amo nila ay tulad ng mga sinasabi ng iba na malulupit at mapang-abuso? Naisip ko na ito na rin siguro ang dahilan kung bakit nawawala na sa sarili ang ilan… sanhi ng lungkot na hindi nila makayanan. (‘Wag naman pong mangyari ito sa akin… sa grasya ng Panginoon.)
Tanong ko… sa isip ko… “Paano na pala sila? Ano na kaya ang nangyayari sa kanila? Kumakain kaya sila ng tatlong beses sa isang araw?” Maraming bagay ang naglalaro sa aking isipan. Paano ko sila maaabot o matutulungan? Biglang ipinaisip lang ng Panginoon sa akin ang manalangin at isama sila sa bawat panalangin ko habang ako’y naririto sa lupain ng mga taga-SA.
Sa araw-araw na lumipas ay unti-unting napapawi ang aking kalungkutan dahil sa dami ng aking dapat ipanalangin. Halos buong oras ko ay nabubuhos sa panalangin. Matapos nito ay magbubukas ako ng computer para mag-surf sa internet at bisitahin ang aking mga kaibigan sa facebook. Napakapalad ko pa rin talaga dahil kahit maghapon akong nakakulong sa bahay ay may ‘access’ pa rin ako sa mga mahal ko sa buhay, mga kapatiran, at mga kaibigang nasa iba’t-ibang sulok ng mundo. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila, nae-express ko ang aking sarili.
Napakaimportante ang ‘constant communication’ dahil ito lang ang pwedeng gawin habang naririto ka sa ganitong lugar. Marami siguro sa atin ang may mga pamilya at kapatid sa Gitnang Silangan o kung saan mang panig ng mundo. Ito’y isang panawagan… na kung maari lamang ay gawin ninyong ‘regular’ ang pakikipag-usap o ugnayan sa kanila. Iba po talaga ang nararanasan kapag malayo sa pamilya.
Sa sobrang lungkot ko po dito ay nakagawa ako ng isang tula… na ibabahagi ko sa inyo. Ang pamagat ay, “Si Juan… ang Pinoy.”
Nawa po any maging halimbawa ang aking karanasan sa bawat isa sa inyo. Nakita ko po rito… na kung wala sa ating puso ang ating Panginoon… maaaring hindi ko ito makakayanan nang ako lang. Sa araw -araw ay Siya lang talaga ang aking kalakasan. Sa Kanya ako kumukuha ng karunungan upang gawin ang mga bagay na dapat kong gawin sa araw-araw. Purihin ang Panginoon dahil dito ko rin nailabas ang mga ibinigay Niyang talento sa akin.
Sa pamamagitan ng aking pagsusulat… ito’y nagsilbing paraan para makapag-encourage pa rin ako ng ibang tao… kahit na minsan ay ako mismo ang nangangailangan nito.
Dito ko rin naranasan ang maghintay… na ma-exercise ko ang paghihintay… tulad ng paghihintay natin sa pagdating ng ating Panginoon…
Wala tayong pwedeng sabihin na dahilan kung bakit ‘di natin nararanasan ang Kanyang kabutihan. Sa mga pagsubok… lahat ay ating makakayanan kung tayo ay magtitiwala lamang sa Kanya. Matuto tayong makinig at gawin ang mga ipinag-uutos Niya.
Masasabi kong nanaisin ko pa ring bumalik sa lugar na tulad nito kung ang kapalit naman ay walang hanggang pakikipag-ugnayan sa aking Diyos na Siyang nagbibigay ng lakas, aral, at kulay sa aking buhay.
Gusto ko lang ibahagi sa inyo ang kabutihan ng ating Panginoon.
Sa mga taong may mga kamag-anak, asawa, o kaibigan na malayo sa inyo… hayaan ninyong maging pagpapala kayo sa kanila. Bigyan ninyo ng oras at panahon ang pakikipag-ugnayan sa kanila.
Isang sakripisyo na sa inyo ay inalay…
Nawa ay kapulutan n’yo ng aral ang aking mga naging karanasan habang ako’y naririto sa Gitnang Silangan sa SA.
.
Maraming salamat po sa inyong oras at panahon para sa pagbabasa’t pakikinig.